Malilim ang umaga kaysa sa kinasanayan
At may mga kandelabrang nakatanaw sa dalampasigan
Wari'y nalilito't naghahanap ng kahuntahan
Nang mapag-usapan ang kaarawan ng buwan.
Mula sa durungawan ay may nakasilay
Kabayong matanda na't pilay
Sa gabi siya ri'y naghihintay
Upang magmuni tungkol sa paghimlay.
At sa may lilim ng punong nakatanaw sa dagat
May limang batang naghahanap ng mangangatngat
Ngipin nila'y pawang bungal at wari'y salat
Sa pag-ibig at kalinga ng mga matatandang mandaragat.
Sa tabi ng mga batang maiingay
May pagong na piniling humandusay
Katabi ang puting buhangin'y naglalakbay
Limang dipa saklaw habambuhay.
Sa wakas pinili nang maglantad ng mga bituin
Ang mga kandelabra'y magdidingas na rin
Ang kabayo'y babalutin ng itim
At ang mga bata'y isa-sang mahihimbing
Subalit ang pagong at ang buhangin mananatiling magkaibigan pa rin.
Sunday, November 29, 2009
Subscribe to:
Posts (Atom)